-- Advertisements --

Mayroon nang “go signal” mula kay Department and Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na sampahan ng kaso si dating Cebu City Mayor Tomas Osmeña matapos nitong gibain at pinagtatanggal ang tiles at gamit sa loob ng opisina.

Ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, hindi magandang ehemplo ang ipinakita ni Osmeña at hindi rin nila mabatid kung ano ang intensiyon nito.

“Nakakalungkot lang ‘yung nangyari so hindi ko ma-determine kung ano ‘yung intent ni mayor. Hindi lang magandang ehemplo ‘yung nangyari kasi meron naman ibang option kasi, sinabi niya ‘yung pondo na nagastos which is I understand based on an interview is P2 million to P3 million galing daw sa mga kaibigan niya or whatever so kung gusto niya i-reimburse ‘yung cost or to his friends may paraan naman para ma-reimburse ‘yun. Hindi nya kailangan ubusin ‘yung laman nung office,” wika ni Usec. Malaya.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ng DILG ang resulta ng imbestigasyon para sa anong kaso ang isasampa laban sa dating alkalde.

“The decision to file a case was made already. ‘Yun nga lang kung ano yung mga specific kasong ifa-file ‘yun ang pinag-aaralan namin kasi hindi pa bumabalik report ng aming regional director from Region 6. So yesterday the secretary said we will definitely file cases let’s just find out the facts muna to determine kung ano mga kaso ifa- file but yung Cebu City has already informed us that they have already identified that the cases they will file and the people na fa-filan nila ng kaso,” ani pa Malaya.

Samantala, posible rin umanong sampahan ng kaso ng DILG si dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada dahil sa hindi nito pagsumite ng lahat ng mga dokumento sa bagong upong alkalde na si Isko Moreno.

Ayon kay Malaya, may imbestigasyon ng ginagawa para matukoy kung bakit hindi naisumite ni Erap ang mga dokumento para sa bagong alkalde.

“It is the responsbility of the former mayor in this case to have organized a transition team and for the outgoing mayor to have formally turned over all of the documents to the incoming mayor,” dagdag ni Malaya.