CEBU CITY – Sumakabilang-buhay na si dating Cebu Rep. Antonio Veloso Cuenco dahil sa kumplikasyong dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ng pamilya Cuenco kung saan pasado alas-5:00 kaninang hapon, Hunyo 27, nang binawian ng buhay ang dating congressman na ngayon ay konsehal ng Cebu City.
Naniniwala ang pamilya Cuenco na ito raw ay dahil sa “lethal effect” ng COVID-19 virus sa katawan ng dating kongresista.
“It happened so fast and has left us very shocked to realize that the good man that we have had the opportunity to have as our father (with my siblings Ronald, Antonio Jr and Cynthia) and a good husband to my mother, Nancy, is gone,” saad sa pahayag ng kanyang anak na si dating Cebu City Councilor James Cuenco.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cebu kay James, sinabi nitong nakumpirma na nagpositibo ang ang kanyang ama sa COVID-19 noong Hunyo 20.
Ngunit ayon sa nakababatang Cuenco, aktibo pa rin umano ito sa kanyang serbisyo, at maraming lugar ang pinupuntahan.
Katunayan ay dumalo pa raw ito sa session ng Sangguniang Panlungsod noong Hunyo 24 hanggang sa isinugod na ito sa pagamutan noong Hunyo 25.
Dagdag pa ng nakababatang Cuenco, wala umanong sakit ang kanyang ama ngunit nang mahawaan ito ng COVID-19 ay mabilis daw na bumigay ang katawan nito.
Ang nakatatandang Cuenco ay dating kinatawan sa Kamara ng ikalawang distrito ng Cebu City at ang pangunahing may-akda ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.