Galit na galit umano ang dating two-division world champion na si Paulie Malignaggi kaya bigla itong bumitaw bilang sparring partner ng UFC superstar na si Conor McGregor.
Hindi nagustuhan nang nagretirong si Malignaggi ang kumalat na larawan na siya ay na-knockdown ni McGregor sa isa sa kanilang sparring sessions nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Malignaggi, iniwan na niya ang training camp ni Conor at pabalik na siya ng New York.
Aniya, wala umanong katotohanan ang kumalat sa social media na siya ay bumagsak sa ring.
Paliwanag pa ni Malignaggi ang kanyang pagbagsak ay dahil umano sa siya ay itinulak ng MMA star.
Dahil dito, nanawagan si Paulie kay Conor na ilabas ang tunay na video na unedited upang makita ng publiko ang tunay na katotohanan na hindi siya na-knockdown.
Inamin nito na naging matindi ang kanilang sparring session at dumating sa punto na nagkainitan na silang dalawa.
Nitong nakalipas na araw kinumpirma rin ng Hall of Fame referee na si Joe Cortez na kinailangan niyang pakalmahin ang dalawa dahil sa naging mainitan na ang sparring at nagkakapikunan sa itaas ng ring.
Ang serbisyo ni Cortez ay kinuha upang makabisado ng 29-anyos na Irishman ang patakaran sa boksing.
Samantala, nilinaw naman ni Malignaggi na kailanman ay hindi niya isasapubliko ang ginagawang paghahanda na istratehiya ni McGregor upang ipantapat kay Floyd Mayweather Jr. para sa August 26 showdown.
Sekreto na kasi at confidential ang ganitong usapin na masyadong maselan sa preparasyon ng mga boksingero.
Binatikos naman ni Malignaggi ang ginawa ng ilang staff ni McGregor na i-leak ang larawan samantalang tumutulong na nga siya sa preparasyon.
Tinawag pa niya na ayaw na niyang maging bahagi ng mala-circus na grupo ni McGregor.