Bukas umano si dating world champion Marcos Maidana na tumungtong ulit sa boxing ring upang hamunin lamang si Sen. Manny Pacquiao.
Inamin ni Maidana na nabigla raw ito sa ipinakitang performance ni Pacquiao sa nakalipas nitong laban noong Hulyo 21 kontra kay WBA welterweight champion Keith Thurman.
“It was surprising how he looked, he looked better than he did in other fights. He did very well, at 40, it’s surprising,” wika ni Maidana.
Nakikita rin ni Maidana – na una na ring hinarap sina Victor Ortiz, Devon Alexander, Adrien Broner, Josesito Lopez, Amir Khan, at Erik Morales – si Pacquiao bilang kanyang “final challenge.”
“There is only one boxer left for me to test myself against, Manny Pacquiao. So with that we are waiting, I would return for him, I would like to do that,” ani Maidana.
Huli namang sumabak sa isang boxing match si Maidana noong 2014 kung saan ito binigo ni Floyd Mayweather Jr. sa pamamagitan ng majority decision.
Kumpiyansa rin si Maidana na sakaling kagatin ni Pacquiao ang kanyang alok, magiging puno ng aksyon ang kanilang sagupaan dahil sa mahilig sumugod ang fighting senator.
Nakatakda sanang lumaban ulit si Maidana ngayong taon matapos magkaroon ng three fight deal sa Premier Boxing Champions.
Pero kanyang kinansela ang plano at bumalik na lamang sa pagiging retirado dahil sa isang financial dispute sa PBC.