Buhos pa rin ang iba’t ibang prediksiyon maging ng mga international experts sa big fight bukas ni Senator Manny Pacquiao laban sa kampeon mula sa Argentina na si Lucas Matthysse.
Ayon sa kilalang sports analyst na si Dan Rafael mula sa sports giant at ESPN channel, mahirap umanong pumili sa dalawang exciting boxers.
Sa tingin ni Rafael sa huling laban daw ni Matthysse noong buwan ng Enero ay hindi siya bilib sa panalo nito. Habang nagpakita naman ng magandang laban si Pacman kay Jeff Horn bagamat hindi ito nanalo.
Kaya sa hula raw ni Rafael mananalo via decision si Pacquiao.
“Matthysse didn’t look good in his fight in January. Pacquiao hasn’t had a KO since 2009, so I will go with Pacquiao by decision,” ani Rafael.
Sinabi naman ni Nick Parkinson mula sa United Kingdom, kapansin-pansin na nagbago na ang performance ni Pacquiao sa mga huli niyang laban. Masyado na raw kasing abala ito sa kanyang political career pero sa tingin ng sportswriter, may ibubuga pa ang mga tuhod ng eight division world champion para manalo.
Kinampihan naman ng beteranong boxing referee na si Joe Cortes si Matthysse na sa tingin daw niya pahihirapan si Pacman bunsod ng angkin nitong punching power.
Sa fearless forecast ni Cortes, matatalo raw si Pacquiao via technical knockout sa round nine.
Ang kilalang boxing expert na si Eric Raskin ng HBO ay pinaburan si Pacman na mananaig via decision.
Maging ang veteran boxing writer at dating editor-in-chief ng Ring Magazine na si Nigel Collins ay ibinigay din kay Pacquiao ang boto na tatanghaling muling kampeon sa WBA welterweight division sa pamamagitan ng decision.
Ang boxing legend at Mexican boxing icon na si Julio Cesar Chavez ay pinili si Pacquiao.
Aniya, bagamat may edad na ang fighting senator, bentahe naman nito ang walang humpay na pagpapaulan ng suntok, kaya knockout daw ang mangyayari kay Matthysse.
Ang sikat namang boxing analyst at dating trainer ni Timothy Bradley na si Teddy Atlas ay nagsabing mauuwi raw sa “ugly decision” ang panalo ni Pacman.
Samantala, pumanig naman si dating boxing champion Shane Mosley kay Matthysse dahil nakita raw niya ang pagiging gutom nito at kayang patumbahin si Pacquiao.
Tiwala naman si dating British champion Amir Khan na tatalunin ng fighting senator ang Argentine boxer basta naging maganda ang resulta ng kaniyang training.
Ang pagiging beterano naman daw ni Pacquiao ang nakikitang kalamangan ni dating cruiserweight Dewey Cooper.
Sa panig naman ng boxing trainer na si Robert Garcia, kayang makabalik muli sa kasikatan si Pacquiao at makakakuha ng mas malaking laban pa.