-- Advertisements --

Wala umanong nakikitang isyu si Makisig Morales kaugnay sa maaga nitong pagpasok sa buhay may-asawa.

Ayon sa dating child actor na ngayon ay 22-anyos na, ikinonsidera nito ang payo ng kanyang ama na huwag nang patagalin pa kung sigurado naman sa nais pakasalan upang makaiwas anumang tukso.

“Bakit mo pa patatagalin ang pagiging mag boyfriend or girlfriend kung dun din naman hahantong sa kasalan? Minsan kasi nabubulag tayo na siya na yung blessing na binigay ni Lord pero hindi pa natin nakikita,” dagdag nito sa panayam ng push.

Kasabay nito, ibinunyag ni Makisig na inalok nito ng kasal ang Fil-Australian beauty queen na si Nicole Joson noong 2017 nang sila ay kumain sa sikat na restaurant sa Australia kung saan kasabwat nito ang ilang waiter.

“Natimbrehan ko na yung waiter na magdadala ng ring na nakalagay sa plate saying: Will you marry me? Lumapit yung waiter, nilapag yung plate na nakatakip sa table, then hindi pa ako nakaka-compose ng sarili ko, biglang in-open na agad ni kuya waiter. So basically, parehas kami nagulat ni Nicole. Hindi niya expected na I was going to propose. Ako naman ‘di ko expected na i-o-open agad ni kuya ‘di pa ako nakakaluhod. Pero it went well. She (Nicole) said yes,” natatawa pa nitong kuwento.

Samantala, kahit offcial husband and wife na, ipapaubaya daw muna nina Makisig at Nicole sa Diyos kung kailan sila bibiyayaan ng mga tsikiting.

Nabatid na kapwa nakabase na sa Australia ang newly wed kung saan din sila nagtatrabaho.

Una rito, ginanap ang intimate beach wedding ng dalawa sa isang sikat na tourist spot sa Sydney.

Si Joson ay panalo bilang Miss Earth Australia Charity 2017 at naging finalist ng Miss World Australia 2017.