NAGA CITY – Hindi lamang umano paglabag sa karapatang pantao ang nakikita ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pagsasapubliko ng narco-list.
Sa pagharap sa mga kagawad ng media ng dating punong mahistrado sa Naga City, tahasan nitong sinabi na mawawalan na ng karapatan ang mga nasa listahan na patunayan ang kanilang pagiging inosente kung isasapubliko ang kanilang mga pagkakakilanlan.
Inilalagay din aniya sa kapahamakan ng mga otoridad ang mga taong makakasama sa nasabing listahan.
Hindi aniya lingid sa kaalaman ng publiko ang mga nangyayari sa mga taong napagbibintangang sangkot sa iligal na droga.
Tila nadala si Sereno sa paglabas ng mga pangalan ng huwes na sinasabing sangkot sa illegal na droga ng siya pa ang namumuno sa Korte Suprema at hindi naman umano napatunayan dahil tanging lead lamang mayroon ang otoridad.
Pagbibigay diin pa ng dating Chief Justice na sakaling hindi pa nabi-verify ang mga impormasyon lalabas na paninirang-puri lamang ito at pamumulitika.
Samantala, dumipensa ang DILG sa kanilang hakbang na gagawin ang pagsapubliko ng mga politiko na nasa narco-list ilang araw bago ang simula ng local campaign period.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya, kinumpirma nito na all-set na sila sa susunod na linggo sa paghahayag sa mga pangalan ng ilang mga politiko na iniuugnay sa iligal na droga.
Tiniyak din nito na nakahanda na rin ang kanilang departamento sa paghahain ng kaso matapos ang koordinasyon nila sa Philippine Drug Enforcement Agency at Commission on Elections.