Nanindigan si dating Commission on Elections Andy Bautista na politically influenced ng key officials ng Pilipinas ang kaso laban sa kaniya sa Amerika.
Sa kaniyang X account, iginiit ni Bautista na lalaban siya para mapawalang sala sa korte at ipapakitang wala siyang ginawang krimen laban sa gobyerno ng Amerika o sa mamamayan ng US at hindi ito nag-take advantage o walang kinilingan sa anumang paraan.
Aniya, ang voting machine company ay nanalo ng kontrata bago, habang at pagkatapos ng kaniyang pamumuno bilang Chairman ng Comelec na isang tungkulin na kaniyang ginampanan noong 2016 elections nang may sigasig at kakayahan sa pagseserbisyo sa mamamayang Pilipino.
Ginawa ni Bautista ang naturang pahayag matapos i-indict o idiin sa kaso ng US Federal grand jury sa Florida para sa umano’y pagtanggap ng mga suhol mula sa Smartmatic na nagbigay ng voting machines na ginamit sa general elections noong 2016 sa Pilipinas.
Bunsod nito, humaharap ang dating poll body chief sa isang bilang ng conspirancy to commit money laundering at 3 bilang ng international laundering of monetary instruments batay sa US Justice Department.
Maliban kay Bautista, 3 pang executives ng voting machine company ang na-indict dahil sa kanilang naging papel sa umano’y bribery at money laundering scheme para mapanatili ang kanilang negosyo may kinalaman sa 2016 elections ng PH kabilang na dito si Roger Alejandro Pinate Martinez, isang Venezuelan citizen at residente ng Florida na siyang co-founder ng Smartmatic.