TACLOBAN CITY – Magmimistulang battle of political clans ang May 2022 elections sa ikaapat na distrito ng Leyte matapos na maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) si dating Commission on Elections Commissioner Gregorio Larrazabal bilang district representative.
Inaasahang makakatunggali niya sa nasabing posisyon si Ormoc City Mayor Richard Gomez na pinaniniwalaang papalit sa kanyang asawa na si Leyte 4th District Rep. Lucy Torres-Gomez na tatakbo namang alkalde sa nasabing lungsod.
Naniniwala si Larrazabal na ang kanyang karanasan sa panunungkulan sa gobyerno ay makakatulong hindi lamang sa 4th District ng Leyte kundi makakatulong rin ito upang mapalakas ang kanyang proposed legislation tulad na lamang ng rebisyon sa Omnibus Election Code.
Ayon pa sa kanya, ang kanyang pagtakbo bilang representante ng distrito ay makakatulong upang matugunan ang mga lokal na isyu at maipaabot ito sa nasyonal.
Nabatid na ang kandidatura ni Larrazabal ay sa ilalim ng People’s Reform Party, National People’s Coalition, at Probinsiya Muna Development Initiative.
Samantala sa ngayon ay hindi pa nakapaghain ng candidacy si Ormoc City Mayor Gomez pero inaasahang nasa ilalim ito ng ruling party na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan.
Ayon rin sa ilang sources, posibleng bubuo sa lineup ni Larrazabal sina dating Ormoc City Mayor Edward Codilla na natalo ni Gomez noong 2016 elections at former Mayor Rowena Codilla ng Kananga, Leyte na natalo rin sa eleksyon noong 2019 ni Mayor Matt Torres, na kapatid ni Lucy.