-- Advertisements --

Nababahala ang isang dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) tungkol sa posibleng implementasyon ng online na pangangampanya para sa 2022 national elections.

Ayon kay dating Comelec commissioner Luie Guia, kadalasan kasi na sa social media umiikot ang mga nagkalat na fake news, na maaaring makaapekto sa pagpili ng mga botante sa kanilang mga nais iboto.

Una rito, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ikinokonsidera ng poll body na pagbawalan muna ang harapang pangangampanya sa 2022 elections bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic.

Nais din aniya ng Comelec na magpatupad ng bagong mga panuntunan kaugnay sa online election campaign.

Samantala, iminungkahi ng dating poll official ang paggamit ng radyo, telebisyon, at mga polyeto upang magpakalat ng impormasyon tungkol sa plataporma ng mga kandidato.

Marami pa rin daw kasing mga Pilipino ang walang koneksyon sa internet.

Giit din ni Guia, malaking hamon din ang online campaign hindi lamang sa Comelec pati na rin sa mga tatakbo sa halalan sakaling ipatupad ito.