NAGA CITY – Nagkaroon ng komosyon sa loob ng Partido Rice Mill matapos na komprontahin umano ni dating Cong. Rolando “Nonoy” Andaya ang isang driver ng SUV na pag mamay-ari ng nasabing korporasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Col. Ryan Atanacio, OIC sa Pili MPS, na problema sa trapiko ang naging dahilan nang pagkagalit ni Andaya sa drayber ng SUV.
Ayon sa imbestigasyon, papaliko aniya ang nasabing SUV sa kanang parte ng kalsada sa Brgy. New San Roque, Pili, Camarines Sur at papasok ito sa gate ng Partido Rice Mill nang sakto naman na tinatahak ni Andaya ang linya gamit ang kanyang big bike dahilan kaya muntikan na raw magkagitgitan ang dalawang behikulo.
Dahil dito, napahinto aniya si Andaya at kinuha ang atensyon ng drayber upang ito’y kausapin ngunit dumiretso ito papasok ng compound.
Ito din aniya ang posibleng rason nang pagkagalit ng dating kongresista dahilan upang komprontahin nito ang may-ari at ang drayber sa loob ng nasabing lugar.
Samantala, makikita din sa video ang pagtulak ni Andaya sa isang pulis na kinilalang si PLt. Jeson Barcenas na nagresponde sa insidente.
Sa ngayon, nagkaaregalo na aniya sina Andaya at ang drayber ng SUV ngunit naghain na man ng kasong “unjust vexation” kontra sa dating kongresista ang pulis na nagresponde lamang sa kaguluhan.
Inaantay din naman ng Bombo Radyo Naga ang magiging pahayag ng panig ni Andaya sa naturang alegasyon.