Pinalaya si dating Negros Oriental Rep. Arnie Teves mula sa house arrest sa Timor Leste ayon sa kumpirmasyon ng kaniyang abogado na si Atty Ferdinand Topacio.
Sa isang statement, kinumpirma ni Atty. Topacio ang reports na inilathala ng media sa Timor Leste na ipinag-utos ng tribunal na nagsasagawa ng extradition proceedings ni Teves ang pagpapalaya sa dating mambabatas mula sa house arrest.
Subalit may ilan aniyang partikular na kondisyon ang ipinataw sa pagpapalaya kay Teves kabilang ang regular reporting sa court officer at commitment nito na huwag umalis ng East Timor habang nakabinbin pa ang kaniyang extradition case.
Kaugnay nito, ibinalik ang ganap na kalayaan ni Teves alinsunod sa utos ng mataas na hukuman ng Timor Leste na nagpapawalang-bisa sa preventing detention order dahil sa mga nakitang depekto sa kahilingan ng gobyerno ng PH para sa extradition ng dating mambabatas.
Matatandaan na nag-ugat ang mga pagdinig ng Court of Appelas ng Timor Leste sa extradition case ni Teves mula sa kahilingan ng gobyerno ng PH na i-extradite si Teves pabalik ng bansa na humaharap ng mga kaso ng pagpatay kaugnay sa kaniyang pagkakadawit bilang utak o mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pa sa kaniyang bahay sa Pamplona noong Marso 4, 2023.