Tatakbo pa rin sa 2025 midterm elections si dating Caloocan City Representative Edgar “Egay” Erice sa kabila ng nauna nitong pagkuwestiyon sa pagpabor ng Commission on Elections sa Miru Systems.
Ngayong araw ay naghain si Erice ng kanyang kandidatura sa pagka-kongresista ng naturang siyudad.
Pagkatapos makapaghain ng kandidatura, natanong ang dating mambabatas ukol sa paggamit ng mga Automated Counting Machines (ACM) ng Miru Systems, ang technology provider ng Comelec para sa May 2025 midterm elections.
Sagot ni Erice, maaaring gamitin ang mga makina ng Miru ngunit kailangan na aniyang mag-resign ni Comelec Chair George Erwin Garcia.
Giit ni Erice, masyadong bias ang Comelec chairman sa Miru, at dapat aniyang hindi bias na lider ang manguna sa halalan.
Ilang buwan bago nito ay kinuwestyon ng dating kongresista ang pagpabor ng komisyon sa Miru Systems matapos makuha ng South Korean firm ang kontrata para sa 2025 Elections.
Dati na ring naghain ng petisyon si Erice sa Korte Suprema upang ipa-deklara bilang invalid ang Comelec-Miru contract na tinawag nitong ‘100-percent illegal’ at labag sa Republic Act (RA) 9369 o Automated Election Law.
Pinuna rin ni Erice ang aniya’y napakamahal na babayaran ng pamahalaan para sa serbisyo ng Miru.