-- Advertisements --

Lumantad ang dating consultant ni Bamban Mayor Alice Guo na si Nancy Gamo para itanggi ang napaulat na isang Chinese national ang tunay na ina ng alkalde.

Ayon kay Gamo, ang babaeng na-tag bilang ina ni Mayor Guo na si Lin Wen Yi ay partner lamang umano ng kaniyang ama at isa sa incorporators sa kaniyang korporasyon.

Nakita na rin umano ni Gamo si Lin ng personal sa tuwing nagpapa-pirma ito ng articles of incorporation.

Sinabi din ni Gamo na nagtrabaho siya kay Mayor Guo sa loob ng mahigit 10 taon mula noong 2012 may kaugnayan sa mga business transactions kahit noong bago pa mahalal na alkalde ng Bamban si Guo.

Nilinaw naman nito na boluntaryo siyang lumantad at hindi siya diniktahan ng kampo ni Mayor Guo.

Handa din umano siyang dumalo sa pagdinig sa Senado kaugnay sa kaso ng alkalde kung kinakailangan.

Matatandaan nga na una ng pinangalanan ni Senator Sherwin Gatchalian ang isang “Lin Wen Yi” na ipinakilala daw bilang ina ni Guo sa Valenzuela City kung saan dati ay may negosyo ang pamilya nito.

Taliwas aniya ito sa testimonya ng alkalde ng Bamban na ang kanyang ina ay isang Pinay na kasambahay.

Isiniwalat naman ni Sen. Risa Hontiveros noong Huwebes ang mga dokumentong nagpapakita nakatira si “Lin Wen Yi” sa parehong address ng pamilya ni Mayor Guo.