-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nanlaban umano sa mga otoridad ang isang ex-convict na napatay sa drug buy bust operation sa Barangay Damires, Janiuay, Iloilo.

Ito ay nagngangalang Daniel Dalisay, 33-anyos na residente ng Balabag, Pavia, Iloilo na kakalabas pa lang sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lieutenant Colonel Mark Anthony Darroca ng Regional Police Drug Enforcement Unit, sinabi nito na ginawa ang operasyon sa bahay ng isang Eugene Garzon na asawa ng kapatid ni Dalisay.

Ayon kay Darroca, nang nagpakilala sila na mga otoridad ay tinangkang tumakas ni Dalisay kasama si alyas Tarzan.

Nagpaputok ng baril si Dalisay kaya ginantihan ng pulisya kung saan tinamaan ito sa dibdib na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nagawa namang tumakas ni alyas Tarzan patungo sa Barangay Jibolo, Janiuay, Iloilo dala ang isang M16 rifle.

Samantala, arestado rin si Garzon na siyang may-ari ng bahay.

Base sa impormasyon, si Dalisay ang isa sa mga sumalo sa negosyo ng drug personality na si Joven Abantao.

Nakumpiska kay Dalisay ang 11 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa kalahating milyong piso, gayundin ang P15, 000 buy bust money, at P3,470 proceeds money, isang caliber 9mm pistol Colt Combat Cammander na may limang bala, at isang empty cartridge ng caliber 9mm.