-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nanghihinayang at nababahala para sa kanyang seguridad ang dating bilanggo na nabigyan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) matapos ipinag-utos ni Presidente Rodrigo Duterte na ituring na pugante ang mga convicts na mabibigong sumuko sa loob ng 15 araw na ultimatum.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Roldan Cambronero, dating preso sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan, sinabi nito na 27 taon siyang nakulong bago nabigyan ng GCTA.

Ayon kay Cambronero, noong Hunyo 2019 lamang siya nakalabas at sa darating na Disyembre 25 sana ang kanyang unang Pasko kasama ang pamilya makaraan ang halos tatlong dekada.

Ani Cambronero, matapos niyang nalaman ang tungkol sa utos ni Presidente Duterte, hindi ito nagdalawang-isip na sumuko sa otoridad dahil wala aniya siyang nagawang masama.

Samantala, ibinunyag ni Cambronero na may nangyayari nga umanong kurapsyon sa Bureau of Corrections gaya ng “GCTA for Sale” ngunit nanindigan ito na kanyang pinaghirapan ang binigay sa kanyang GCTA.

Si Cambronero ay hinatulan ng reclusion perpetua dahil sa kasong robbery in band with homicide at frustrated homicide.