ILOILO CITY – Nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang salarin sa pagpaslang sa isang ex-convict na natagpuan sa isang taniman sa Brgy. Linobayan, Tigbauan, Iloilo.
Ang biktima ay si Allen Sanchez, 58, ay may mga address na Zone 5, Barangay Sto. Niño Norte, Arevalo, Iloilo City at Barangay 8, Tigbauan, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Rolando Araño, spokesperson ng Iloilo Police Provincial, sinabi nito na may duct tape sa bibig, nakagapos ang mga kamay at may sugat sa ulo at balikat ang biktima ng matagpuan.
May nakita rin na illegal na droga sa mga gamit nito.
Ayon kay Araño, nakulong na si Sanchez sa Bureau of Jail Management and Penology- Iloilo District Jail Facility sa Barangay Nanga, Pototan at sa Iloilo City District Jail Male Dormitory sa Ungka, Jaro, Iloilo City dahil sa kasong theft matapos maugnay sa pagnanakaw sa mga malls sa lungsod ng Iloilo.
Nakasulat naman sa damit nito ang “Para sa bayan Toto Desilos Ungka BJMP Munti Drug Group.”
Mayroon namang certain Toto Desilos na nakakulong sa District Jail sa Ungka Jaro ngunit patuloy pa na inaalam ang kaugnayan nito sa biktima.