Tinukoy ng Capas police na ang umano’y middleman na nakipagkita sa nawawalang kandidata ng Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 at kanyang kasintahan ay isang dating pulis.
Ayon kay Capas police chief Lt. Col. Librado Maranang Jr., sinibak mula sa serbisyo ang dating pulis at na-assign sa Angeles City Police Office.
Sa ngayon, ayon kay Maranang mangangalap pa ng karagdagang impormasyon ang kapulisan kaugnay sa background ng middleman at kung bakit ito sinibak mula sa serbisyo.
Ayon pa kay Lt. Col. Maranang hindi pa nila nakakausap ang dating pulis at tanging ang kaniyang abogado ang kanilang nakausap.
Una na ngang napaulat na nakipagkita ang Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 candidate na si Geneva Lopez kasama ang kanyang kasintahan na si Yitchak Cohen sa isang indibidwal sa Tarlac para tignan ang 20.5 ektarya ng agricultural land na plano nilang bilhin.
Base sa reports ng kapulisan, huling namataan sina Lopez at Cohen dakong 2pm ng Hunyo 21 habang ang ginamit na kulay gray na sport utility vehicle ng magkasintahan ay natagpuan nasunog sa may Capas-San Jose Road sa Cristo Rey village noong Hunyo 22.
Kasalukuyan namang hinahanap ng kapulisan ang mga testigo na makakatulong para matunton ang 2 at umapela sa sinuman na may nalalaman na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.