-- Advertisements --

Pormal nang nanumpa bilang associate justice ng Supreme Court (SC) si dating Court Administrator Jose Midas Marquez.

Dakong alas-3:00 ng hapon lamang nang namumpa ang bagitong mahistrado ng Korte Suprema sa harap mismo ni SC Chief Justice Alexander Gesmundo.

Si Marquez ay ika-192 associate justice ng Korte Suprema.

Pinalitan ng court administrator at dating tagapagsalita ng Korte Suprema si Justice Edgardo L. Delos Santos.

Si Marquez ay 55-anyos pa lamang at ipinanganak noong Pebrero 16, 1966.

Magsisilbi pa ito ng 15 taon sa hudikatura at magreretiro sa taong 2036.

Nagsimula ang karera ni Marquez sa SC noong 1991 bilang summer apprentice na siyang naatasan sa legal research sa opisina Associate Justice Abraham F. Sarmiento habang ito ay nasa law school pa lamang.

Naging Executive Assistant IV ito sa opisina ni Senior Associate Justice Ameurfina A. Melencio-Herrera noong November
1991 at sa opisina ni Senior Associate Justice Josue N. Bellosillo noong June 1992.

Mula noon ay naging Court Attorney VI si Marquez hanggang March 1995.

Noong Setyembre 1999, na-promote si Justice Marquez bilang Deputy Secretary sa opisina ng Chair ng Senate Electoral Tribunal (SET) hanggang 2006.

Naging chief of staff ito ni Chief Justice Reynato
S. Puno noong Disyembre 2006 hanggang May 2010.

Na-appoint din itong Assistant Court Administrator at Chief ng PIO noong
Marso 2007.

Kasunod nito, na-appoint siyang Deputy Court Administrator noong August 2009 at naging pang-14 na court administrator noong Enero 2010.

Ito ang kanyang naging posisyon hanggang ma-appoint bilang Associate Justice ng Supreme Court ngayong araw November 16, 2021.

Taong 2017 pa sinubukan ni Marquez na mag-apply sa naturang posisyon pero hindi ito pinalad ngunit lagi namang napapasama sa shortlist na ipinapasa sa Judicial and Bar Council (JBC).

Tinapos ng bagong associate justice ang kanyang Bachelor of Arts degree in Economics noong 1987 at Juris Doctor degree noong 1993 sa Ateneo de Manila University.

Naging miyembro ito ng Philippine Bar noong 1994.

Kasama ni Marquez ang limang iba pang aktibong mahistrado ng kataas-taasang hukuman na nagtapos din sa Ateneo.

Kabilang dito sina Chief Justice Gesmundo, Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe at mga associate justices na sina Benjamin Caguioa , Henri Jean Paul Inting at Rodil Zalameda.

Kung maalala si Marquez ay inendorso ng iba’t ibang grupo para sa posisyon na kinabibilangan ng Philippine Judges Association (PJA), Philippine Trial Judges League (PTJL), Metropolitan and City Judges Association of the Philippines (MetCJAP), Philippine Association of Court Employees (Pace) sa JBC.

Noong Hunyo 29, 2021 nang nagretiro si Justice Delos Santos sa mandatory age ng retirement na 70.

Siya ang ika-186 na associate justice ng kataas-taasang hukuman.

Una rito, ipinadala ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Chief Justice Gesmundo ang transmittal letter kaugnay ng appointment ni Marquez bilang bagong associate justice ng Supreme Court (SC).