Itinanggi ng dating kalihim ng Department of Agriculture na si William Dar ang pagkakasangkot nito sa umano’y cartel sa likod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong nakalipas na taon.
Sa inilabas na statement ni Dar ngayong araw, nagpahayag ito ng kahandaan para idepensa ang kaniyang sarili mula sa anumang mga akusasyon may kinalaman sa kontrobersiyal na pagsipa ng presyo ng sibuyas.
Magugunita sa isang pagdinig noong nakalipas na buwan, inihayag ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st district Rep. Wilfrido Mark Enverga isang nagngangalang Leah Cruz na tinawag na Sibuyas Queen ang napenetrate na ang merkado bago pa man ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi pa ng mambabatas na bilang dating kalihim ng DA na si Dar sa ilalim noong ng Duterte administration ay maraming kailangang ipaliwanag kaugnay sa naturang isyu.
Subalit binigyang-diin ni Dar na naobserbahan ang pagtaas ng presyo ng sibuyas pagkatapos na ng termino ng nagdaang administrasyon.
Sa halip aniya ay nananatiling stable ang mga rpesyo ng sibuyas sa ilalim ng kanilang panunungkulan.
Sinabi pa ni Dar na base sa data mula sa Philippine Statistics Authority na mula August 5 2019 hanggang June 30, 2022, mayroong sobrang suplay ang bansa na 107,719 metric tons ng sibuyas.
Saad pa ni Dar na ang presyo ng sibuyas sa unang anim na buwan ng 2022 ay pumapalo lamang mula P60 hanggang P80 kada kilo.