Isinisi ni dating DA Sec. Manny Pinol sa mga kasalukuyang economic managers ng bansa ang labis na pagdepende ng Pilipinas sa imported na bigas.
Sa isang pahayag sinabi ni Pinol na ang kasalukuyang estado ng agrikultura sa Pilipinas ay nagpapatunay sa hindi tamang pananaw ng mga economic managers sa bansa.
Punto ng dating kalihim, mas pinipili ng mga economic managers na umangkat na lamang mula sa ibang bansa, sa pag-aakala na hindi sapat ang mga sakahan dito sa Pilipinas na tinatamnan ng palay.
Paliwanag ni Pinol, mayroong 4.9million ektarya ng mga palayan sa buong bansa kung saan ang karaniwang inaani sa isang ektarya ay hanggang 4 na metriko tonelada.
Kayang-kaya aniyang mapataas pa ito ng mga magsasaka, lalo na at nagagawa na ng mga magsasaka sa Nueva Ecija na paabutin ang kanilang produksyon ng hanggang sa sampung metriko tonelada sa bawat ektarya.
Ayon kay Pinol, kailangan lamang tulungan ng pamahalaan, lalo na ng DA ang mga magsasaka ng bansa, at maturuan sa tamang paraan upang matiyak ang mas mataas na produksyon ng palay.
Ayon sa dating kalihim, mas maganda ang ganitong paraan para mapatatag ang food security ng bansa, kaysa umaasa lamang sa importasyon ng bigas mula sa iba’t ibang mga bansa.