LEGAZPI CITY – Bigo pa rin na makalabas ng kulungan si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo kahit nakapagpiyansa na.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, hindi umano pumayag ang hukom na nakatakdang pumirma sa release order ni Baldo at ipinauubaya na lamang ang hakbang kay Legazpi RTC Branch 10 Presiding Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano na siyang orihinal na may hawak ng kaso.
Nabatid na kasalukuyang on-leave ang hukom at sa susunod na linggo pa umano ang balik.
Nitong Miyerkules ng umaga nang magtungo sa Hall of Justice sa Brgy. Rawis sa Legazpi City ang ina nitong si Gloria at legal counsel na si Atty. Merito Lewinsky Fernandez sa pag-asikaso ng proseso ng release para kay Baldo.
Nasa P8.7 million umano ang piyansa nito sa kasong Double Murder habang P720, 000 naman para sa anim na bilang ng Attempted Murder na pawang sa pamamagitan ng property bond.
Si Baldo ang itinuturong mastermind sa pamamaslang kay Party-list Cong. Rodel Batocabe at police escort nito noong Disyembre 2018.
Nitong nakaraang linggo lamang ng ibaba sa Legazpi City RTC Branch 10 ang desisyong payagan si Baldo na makapagpiyansa sa mga kaso.