LEGAZPI CITY – Posible pa raw abutin ng higit isang linggo bago pansamantalang makalaya si dating Daraga, Albay Mayor Carlqyn Baldo matapos maghain ng piyansa sa kaso.
Batay sa ulat, kailangan pang masunod ng dating alkalde ang requirements ng proseso sa paglalagak niya ng P6-milyong bail sa korte.
Kung maaalala, inatras ni Presiding Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano ng Legazpi City Regional Trial Court (RTC) Branch 10 ang double murder case laban kay Baldo dahil bigo umano ang prosekusyon na patunayang may bigay ang mga ebidensyang nakahain laban akusadong dating opisyal.
Nilinaw ni Loquillano na “preliminary matter” ang desisyon at niresolbahan lamang ang petisyon ni Baldo na makapaglagak ng piyansa at pansamantalang makalaya.
Si Baldo ang itinuturong mastermind sa pamamaslang kay Party-list Congressman Rodel Batocabe at police escort nito noong Disyembre 2018 sa gift-giving event sa Daraga, Albay.
Ayon pa kay Loquillano, nakitaan ng “inconsistencies and unexplained matters” ang nagsilbing state witness lalo na sa panahon bago ang pamamaslang kay Batocabe.
Sa hiwalay naman na panayam kay Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr., sinabi nitong maghahain ng motion for reconsideration ang kanilang kampo sa ibinabang court decision.
Nakatakda namang magbigay ng privilege speech ngayong araw sa Kamara si Garbin upang kalampagin ang gulong ng hustisya sa kaso.