-- Advertisements --

Matapos ang isyu na kinasangkutan ng dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) sa kontrobersyal na Pharmally deal noong nakaraang taon, nais naman ngayong ipatawag sa Senado si former Budget Undersecretary Christopher Lao na nagsilbi ding head ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

lao1
Lloyd Christopher Lao

Sa pagkakataong ito binabalak siyang imbitahan upang magpaliwanag naman sa panibagong kontrobersiya na pagbili ng overpriced at outdated na 39,000 units ng laptops ng DepEd na nagkakahalaga ng P2.4 billion.

Kaugnay nito, naghain ng isang resolution si Senator Risa Hontiveros na humihiling sa Senado na ipatawag sa Senado si Lao upang mabigyang linaw ang kwestyonableng pagbili ng mamahaling laptops.

Inihayag din ng Senadora na dapat na maisama sa inquiry ang posibilidad ng rekomendasyon na pagbuwag sa PS-DBM.

Nauna ng naghain ng resolution si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na nag-aatas sa Senate Blue Ribbon na magsagawa ng imbestigasyon sa pagbili ng mamahaling laptops na pinuna ng Commission on Audit (COA) sa kanilang 2021 report sa DepEd.

Una pa rito, ang PS-DBM ang siyang naggawad ng kontrata para sa suplay ng mga laptop noong Hunyo 30 ng nakaraang taon sa isang joint venture ng LDLA Marketing and Trading Inc., VSTECS (Philippines) Inc., at Sunwest Construction and Development Corp., ang construction firm na pag-aari ng pamilya ng party list Rep. Elizaldy Co ng Ako Bicol, na siya ring founder ng Sunwest Group Holding Co. Inc