Oras na para harapin ni dating Department of Budget and Management – Procurement Service Undersecretary Lloyd Christopher Lao ang kanyang mga kaso matapos siyang maaresto ng mga otoridad sa Davao City.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, ngayong nasa kamay na siya ng batas, dapat na rin nitong aminin kung sino nga ba ang “big boss” na may pakana at nakinabang sa korapsyon sa bilyon-bilyong COVID–19 funds.
Kailangan aniyang managot si Lao at ang mga kasabwat niya, sa pang-abuso at pagkamkam sa kaban ng bayan, habang maraming Pilipino ang may sakit, nagugutom at walang hanapbuhay noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Dapat magsilbi aniyang aral ang pagkaaresto kay Lao sa lahat ng maling gumagamit at umaabuso sa kanilang mga posisyon upang magsilbi sa masamang layunin.
Anumang pagtatago at pag-mamagic nila aniya ay hindi nila maiiwasan ang pananagutan nila sa batas at sa bayan.
Noong Agosto, nagsampa ng graft charges ang Office of the Ombudsman laban kay Lao at kay dating Health Secretary Francisco Duque III dahil sa umano’y ilegal na paglilipat ng pondo noong Covid-19 pandemic.
Ayon sa criminal information na inihain sa Sandiganbayan, ang paglipat ng Department of Health (DOH) ng P41 bilyon sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) noong 2020 ay ilegal at walang batayan.
Ang pondo ay para sa pagbili ng mga medical supplies para sa pandemya, kabilang ang mga detection kit, nucleic acid extraction machine, mechanical ventilator, personal protective equipment, surgical mask, cadaver bag, at iba’t ibang test kits.
Sinabi ng Ombudsman na pinahintulutan ni Duque ang paglilipat ng pondo kahit na hindi nito mapabibilis ang pagpapatupad ng proyekto at sa kabila ng katotohanan na ang DOH ay may kapasidad at kasanayan upang isagawa ang pagbili.
Si Lao naman ay kinasuhan ng graft dahil tinanggap ng PS-DBM, kung saan siya nagsilbi bilang executive director, ang P41-bilyong fund transfer at isinailalim ang DOH procurement sa 4% service fee na hindi bababa sa P1.65 bilyon.