(Update) Buhos ngayon ang pakikiramay sa pagpanaw ng environment activist at dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Regina Paz “Gina” Lopez sa edad na 65-anyos.
Sinabi ng ABS-CBN Foundation, sumakabilang buhay si Lopez matapos ang kanyang pakikibaka sa sakit na brain cancer.
Kamakailan nang kumalat ang balitang sumakabilang-buhay na ang dating kalihim, pero pinabulaanan ito kanyang ng pamilya.
Kaagad na nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya at mga kaanak ng dating kalihim.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, wala pa umanong nakakatumbas sa environmental advocacy at legasiya ng isa sa mga aniya’y “most passionate” na naging miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“News has reached the Office of the President that former Secretary of Environment and Natural Resources Regina Paz L. Lopez has passed away, and it is with a heavy heart that we express our sincerest condolences to her family, relatives, friends and loved ones. The Palace deeply grieves the demise of one of President Rodrigo Roa Duterte’s most passionate Cabinet members whose environmental advocacy and legacy remain unparalleled to this day,” ani Panelo sa statement. “As we pay tribute and give honor to this warrior and advocate, we fervently pray for the Almighty to grant her eternal repose. May the perpetual light shine upon her.”
Itinalaga ni Pangulong Duterte si Lopez bilang DENR secretary noong 2016 ngunit hindi ito nakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments.
Naging kontrobersyal si Lopez na nakipaglaban sa ilang mga mining companies, lalo pa’t sa kanyang panunungkulan bilang kalihim ay ipinagbawal nito ang open pit mining method sa pagmina ng ginto, pilak, at complex ores dahil umano sa perwisyong dulot nito.
Ipinag-utos din ni Lopez ang pagpapasara sa 23 minahan at pagpapasuspinde sa limang iba pa.
Maliban dito, pinakansela rin ng dating opisyal ang 75 kontrata para sa mining projects na nakatayo sa mga watersheds.
Si Lopez ay tumanggap ng ilan sa matataas na parangal gaya ng International Public Relations Award of Excellence for the Environment noong 1997 at Outstanding Manilans Award for the Environment noong 2009.
Ginawaran din ang yumaong environmentalist ng UNESCO Kalinga Award, na kauna-unahang Southeast Asian na nabigyan ng nasabing parangal dahil sa kanyang educational TV programs.
Nakilala rin si Lopez sa kanyang mga hakbang para sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig sa pamamagitan ng Kapit Bisig para sa Ilog Pasig Project.
Itinalaga rin noon si Lopez bilang chairperson ng Pasig River Rehabilitation Commission noong 2010 ni dating Pangulong Benigno Aquino III.