-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi isinasantabi ng Bacolod City Police Office (BCPO) na organisadong grupo ang nanloob sa isang bahay sa Barangay Villamonte kaninang madaling-araw kung saan namatay ang may-ari na Belgian national.

Ayon sa Bacolod Police Station 4, apat na suspek ang pumasok sa bahay ni Carl Nolens sa Beech Street, Villa Angela Subdivision, dakong ala-1:50 ng madaling-araw.

Umakyat ang mga ito sa gate at dumaan sa second floor kung saan kanilang binasag ang glass door upang makapasok sa master’s bedroom.

Dahil naramdaman ni Nolens ang mga suspek, nagpaputok ito ng warning shot ngunit ginantihan ng mga magnanakaw at binaril sa kanyang tiyan.

Tatlong tama ang tinamo ng foreign national na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Samantala, nabalian naman ang misis nito na si Liza Bantigue-Nolens makaraang tumalon mula sa 2nd floor ng bahay.

Natangay ng mga suspek ang dalawang mamahaling bag ng misis, samantalang patuloy pa ang imbentaryo sa cash at iba pang kagamitan na kanilang nakuha.

Ayon sa hepe na si Police Major Charles Gever, tinitingnang long firearms ang baril ng mga suspek batay sa empty shell na narekober.

Si Carl ay dating dentista sa Belgium at sa ngayon, rent a car service at travel tours ang kanilang negosyo sa Bacolod.