-- Advertisements --

Kinumpirma ni dating Education Spokesperson Atty. Michael Poa na hindi na siya kunektado sa Office of the Vice President (OVP).

Ginawa ni Poa ang pahayag sa pagdinig ngayong araw ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa sinasabing maling paggamit ng confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Si Poa ay dati ring undersecretary at tagapagsalita ng Department of Education o Deped noong kalihim pa ng ahensya si VP Sara.

Sa pagdinig, tinanong ni Rep. Joel Chua si Poa kung nasa OVP pa ba siya.

Tugon ni Poa, ang kanyang consultancy contract ay terminated o tapos na.

Nang matanong naman kung alam niya ang estado ng mga taga-OVP na sinubpoena ng komite, sinabi ni Poa na noong nasa OVP pa siya ay naroroon din ang mga naturang OVP officials.

Sa ngayon, hindi umano niya masabi o makumpirma dahil nagpaalam siya sa OVP bago pa ang nakalipas na hearing ng House Committee.