Nilinaw ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na lumabag ang China sa United States-brokered agreement para pahupain ang standoff noong 2012 sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal sa pamamagitan ng hindi pagbawi sa 30 barko na nananatili sa naturang lugar.
Ginawa ni Del Rosario ang pahayag na ito bilang tugon sa naging patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kaniya at sa dating administrasyon dahil “umurong” umano ang mga ito sa nangyaring standoff noon sa West Philippine Sea.
Ang naging kasunduan aniya ay lahat ng barko ng parehong panig ay magwi-withdraw mula sa Scarborough sa ibinigay na oras.
Sa pagkakaalala raw ni Del Rosario, binawi ng pamahalaan noon ang isang barko habang ang China naman ay lumabag sa kasunduan dahil hindi nito tinanggal ang kanilang mahigit 30 barko.
Dahil daw dito ay kailangan pang maghain ang Pilipinas ng arbitration case sa United Nations-backed triubunal sa The Hague noong 2013 na kalaunan ay nagresulta naman sa pagkapanalo ng bansa.
Ang tinutukoy dito ni Del Rosario ay ang July 12, 2016 Arbitral Award na pumapabor sa petisyon ng Pilipinas na i-invalidate ang tila sobra-sobrang nine-dash claim ng China sa South China Sea.
Umaasa raw noon ang dating top diplomat na ipatutupad ng administrasyong Duterte ang Arbitral Award para sa ikabubuti ng mamamayan ng Pilipinas subalit nabigo lang daw si Del Rosario.
“Instead, President Duterte did not waste time in advancing his declared embrace of Xi Jinping when he very quickly shelved the Arbitral Award in exchange for a promised US$24B in Chinese investments and assistance which, until now, has not materialized. President Duterte also announced in 2019 that he made a verbal agreement with Xi Jinping allowing the Chinese to fish in the West Philippine Sea in patent violation of our Constitution,” saad nito.
Ikinadismaya rin nito ang naging pagtanggap ng Presidente sa “narrative war” ng China na layuning takurin ang mga Pilipino upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa West Philippine Sea.
“With due respect, as the incumbent Commander-in-Chief of our military, we urge the President to do his utmost to protect the West Philippine Sea and to be most wary of China’s duplicity,” pahayag ng dating kalihim.