Tuluyang nang pinagbawalan si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Albert del Rosario na pumasok sa Hong Kong matapos i-deny ng immigration ang kanyang passport.
Matapos ang halos anim na oras na pagkaka-hold at pagku-kuwestyon sa kanya sa Hong Kong International Airport, napaaga ng wala sa oras ang pagbalik nito ng Pilipinas.
Dakong alas-4:20 nitong hapon ng Biyernes nang lumapag ang eroplanong sinakyan ng dating cabinet official imbis sana na alas-8:30 ng gabi pa ang kanyang flight.
Nakatakda sanang dumalo si Del Rosario sa board meeting ng First Pacific Company.
Pero pasado alas-7:00 nitong umaga nang harangin ito makaraang lumapag ang sinakyang eroplano sa naturang paliparan.
“That means that the diplomatic passport I am carrying is not being honored and they refused to give the reason why,” ani Del Rosario sa isang mensahe.
“Denied entry without explanation. With diplomatic passport, this would be in violation of Vienna convention,” dagdag pa nito.
Kinumpirma ang ulat ng abogado ni Del Rosario na si Atty. Anne Marie Corominas at Philippine Consul sa Hong Kong na si Gen. Antonio Morales.
Kumbinsido Del Rosario na may kinalaman sa nakaraang pagharang kay former Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang parehong insidente na kanyang hinaharap ngayon sa Hong Kong.
Bago ang kanyang flight, naglabas pa ng statement ang former DFA secretary ukol sa joint investigation ng Pilipinas at China.
Ito’y kaugnay ng nakaraang insidente sa Recto Bank, West Philippine Sea.
Kung maaalala, kasama ni Carpio-Morales si Del Rosario na naghain ng kaso laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y bullying ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa naturang teritoryo.