-- Advertisements --

Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ng pulisya si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay kaugnay ng kasong paglabag umano sa New Central Bank Act.

Nitong gabi ng Huwebes nang arestuhin ng mga opisyal mula sa Manila Police District si Yasay kaugnay ng kaso nitong nakahain sa Manila City Regional Trial Court Branch 10.

Nag-ugat ang criminal case ng dating kalihim matapos umano itong mabigo at ilang dating opisyal ng Banco Filipino na aksyunan ang isang kwestyunableng loan mula 2003 hanggang 2006.

Ito’y sa kabila ng pagtawag sa kanila ng pansin ng examiners mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Kasama ni Yasay na kinasuhan sina dating bank chair Teodoro Arcenas Jr.; director na sina Orlando Samson at Adelaida Adduru-Bowman; at executive vice president Francisco Rivera.

Bukod sa kaso sa Manila RTC, may kasong falsification din na hinaharap si Yasay at kapwa akusado sa Makati City RTC.

Kaugnay naman ito ng pag-grant umano ng mga opisyal ng P350-milyong loan sa isang “related interest” firm nang hindi dumadaan sa requisite approval.

Sa kanyang online post, iginiit ni Yasay na wala siyang kinalaman sa kaso dahil taong 2009 ito umupo bilang Banco Filipino director.

Hindi umano ito maghahain ng piyansa at hihintayin ang hukom na may hawak na kaso para kwestyunin ang naging proseso.