(Update) Kinumpirma ni dating Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay na maayos na ang kanyang kalagayan matapos makaranas ng paninikip ng dibdib at high blood pressure nang arestuhin ito sa matagal ng kasong kinakaharap.
Nang makapanayam ito ng Bombo Radyo ay nasa Manila Doctor’s Hospital pa at naghahanda sa hearing ngayong araw sa Manila Regional Trial Court Branch 10.
Una rito, pasado alas-9:00 nitong Huwebes ng gabi nang isugod sa ospital ang dating kalihim matapos pumalo sa 160/100 ang blood pressure habang nasa tanggapan ng Manila Police District (MPD).
Kuwento ni Yasay, 72, naging maayos naman ang pag-asiste sa kanya ng doktor at nurse ng MPD para dalhin siya sa ospital. Lumabas daw sa ilang pagsusuri na stable naman ang kanyang vital signs.
Gayunman, pinababalik pa raw siya ng mga doktor sa ospital kung matapos na ang pagdalo niya sa pagdinig sa korte.
Una rito, inaresto si Yasay makaraang iutos ng korte dahil sa kasong paglabag daw nito sa General Banking Law at New Central Bank Act.
Nag-ugat ang mga reklamo matapos umanong magkuntsabahan ang mga dating opisyal ng Banco Filipino (BF) sa pag-apruba ng P350-million na loan ng isang pribadong kompaniya.
Pero hindi umano ito ni-report ng bangko sa Bangko Sentral ng Pilipinas, gayundin na hindi raw itinama ng mga opisyal ang violation kahit sinita sila ng BSP.
Depensa naman ni Yasay, imposibleng madawit siya sa krimen.
Taong 2009 daw kasi ito umupo bilang director at abogado ng bangko.
Habang nangyari naman ang kaso sa pagitan ng taong 2003 hanggang 2006.
“The only probable justification why I could be prosecuted for an offense it would be probably because of a circular that was issued after I joined the bank in 2009 that said that they (BSP) reiterated in the previous circular ordering the bank its audited financial statement and other books of records which the board of directors did not do that time.”
Sa ngayon tikom pa ang kampo ng BSP sa pagkakaaresto ni Yasay.
Handa naman daw ang dating kalihim na humarap sa korte para maglagak ng P240,000 na piyansa.
Pero kukuwestyunin muna ni Yasay ang pagpapalabas ng warrant of arrest na ayon sa kanya ay isang “abuse of process” na nagdulot nang “grave injustice” sa kanyang panig.