-- Advertisements --

Para kay dating Department of Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay, Jr. simula na ng laban para sa hustisya ang pansamantalang paglaya niya mula sa kamay ng mga pulis matapos arestuhin kagabi sa Makati City.

Ito’y kaugnay ng mga kasong paglabag sa banking laws gaya ng General Banking Law at New Central Bank Act.

Handa na raw linisin ni Yasay ang kanyang pangalan matapos madawit sa mga kasong naganap noong hindi pa sya nakaupo bilang opisyal ng ipinasarang private bank na Banco Filipino.

“After posting bail, I now enjoy the status of a provisional free man. Now the fight for justice and to prove my innocence begins,” ani Yasay sa kanyang Facebook post.

Sa panayam ng Bombo Radyo inamin ng dating kalihim na malapit sa may-ari ng bangko ang ginawaran ng kwestyonableng milyones na utang noon.

“Nagpautang ng P300-million to a related company of the owners and stockholders of Banco Filipino. Ako pumasok ako, nag-join lang ako (sa Banco Filipino) bilang abogado in 2009.”

Mula 2001 hanggang 2009, bigo umanong i-report ng kompanya sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang papautang nila ng kabuuang P350-milyon sa Tierrasud Incorporated.

Hindi rin daw inaksyunan ng apat na kapwa akusado ang pagsita ng BSP sa kanilang naging violation.

Pero para kay Yasay mula 2003 hanggang 2006 nangyari ang insidente batay na rin sa kasong inihain noon ng prosekusyon at certification na 2009 siya nagsimulang manilbihan sa bangko.

“My specific task as lawyer for the bank was to negotiate on a high-level basis a rehabilitation plan on Banco Filipino and Bangko Sentral so that (Banco Filipino) can be revived.”

Pasado ala-1:00 nitong hapon nang matanggap ng Manila Police District ang release order mula sa Manila Regional Trial Court Branch 10 makaraang maglagak ng kabuuang P240,000 na piyansa si Yasay.

Sa ngayon balik ospital muna ang 72-anyos na dating kalihim para magpagaling mula sa naranasang paninikip ng dibdib at high blood pressure.

Tumanggi naman ang Bangko Sentral na magbigay ng komento dahil nakabinbin pa rin sa korte ang kaso.

“The Bangko Sentral will not issue any comment as the matter is pending before the court and to do so would violate ‘sub judicerule’.”