Maaaring maging state witness si dating Department of Health Secretary Francisco Duque III laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa maanomaliyang paglilipat ng P47.6 bilyong pondo sa PS-DBM para sa pagbili ng COVID-19 supplies.
Ito ang inihayag ni dating Senador Richard Gordon, na siyang tumayong chairman ng Senate Blue Ribbon committee na nanguna sa imbestigasyon ng multi-bilyong peso na kontrata ng gobyerno na iginawad sa Pharmally Pharmaceutical Corp. para sa pandemic response equipment at supplies sa ilalim ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Duterte.
Ginawa ni Gordon ang pahayag matapos na aminin ni Duque sa House committee noong Lunes na ipinag-utos ng dating Pangulo ang paglilipat ng P47.6 billion na pondo ng DOH sa PS-DBM.doh
Nakadepende aniya ito sa Ombudsman subalit kahit na walang order, ang Cabinet members aniya ay umaakto nang may awtoridad sa ilalim ng tinatawag na doctrine of qualified political agency kung saan ang aksiyon ng kalihim ay aksiyon ng Pangulo.
Sa ilalim ng batas, kapag sumunod ang isang opisyal sa illegal order, pumayag ito at maaaring makasuhan.
Matatandaan na noong 2022, inirekomenda ng Senate Blue Ribbon committee ang posibleng paghahain ng mga reklamo laban kay dating pangulong Duterte matapos na bumaba sa pwesto kaugnay sa umano’y iregilaridad sa pagbili ng pandemic supplies.
Inakusahan si Duterte ng betrayal sa tiwala ng publiko dahil sa umano’y pananakot sa mga senador para sa kaniyang hindi pag-aksiyon sa gargantuan scam at pag abuso sa kapangyarihan nito bilang pangulo para pigilan ang mga opisyal at empleyado sa pagdalo sa mga pagdinig.
Nakasaad din sa report ng komite na inamin ni Duterte na siya mismo ang nagutos sa paglilipat ng P42 billion mula sa DOH patungo sa PS-DBM.
Subalit hindi umusad ito sa Senado matapos na tumagging lumagda ang ilang miyembro ng komite.