VIGAN CITY – Malaki ang hinala ng Public Attorney’s Office (PAO) na pinakialaman umano ni dating Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janet Garin ang pondo ng kanilang forensic laboratory kaya ito natapyasan.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan, tila ipinapahiwatig ni PAO Chief Persida Rueda- Acosta na si Garin ang dahilan kung bakit natapyasan ng halos P20-milyon ang pondo ng PAO Forensic Laboratory para sa susunod na taon base sa inaprubahan ng Kongreso na General Appropriations Bill (GAB).
Maaalalang naging kontrobersyal ang forensic laboratory ng PAO dahil sa patuloy na pag-otopsiya sa mga batang nasawi dahil umano sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia at isa si Garin sa mga sinampahan ng reklamo ng PAO kaugnay sa nasabing isyu.
Ang P19.5-milyong tinapyas sa pondo ng PAO ay inilaan mismo ng Department of Budget and Management sa forensic laboratory ng PAO ngunit natanggal ito pagsapit sa Kongreso at sa Bicameral Conference Committee.