ILOILO CITY- Ikinatuwa ni dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pagiging bukas ng Malacañang sa muling paggamit ng dengvaxia vaccine sa Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng tumataas na kaso ng dengue sa bansa kung saan umabot na sa mahigit 100,000 ang nabiktima at nasa 500 na ang namatay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Cong. Garin, sinabi nito na nagagalak siya dahil hindi nagpapadala ang Malacañang sa pananakot ni Public Attorneys Office (PAO) chief Atty. Persida Acosta sa pagsasampa ng kaso.
Ayon kay Garin, nagpapakita ito na hindi kinikilala ng palasyo ang mga pahayag ni Acosta na ayon sa mambabatas ay nagkukunwaring eksperto.
Dagdag pa ng opisyal, si Acosta ay ang taong hindi dapat pinapansin dahil nagpapakalat lamang ito ng maling impormasyon upang ilihis ang publiko.