-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tinawag ni dating Department of Health (DoH) Sec. at ngayon Iloilo 1st district Congresswoman Janette Garin na “same old recycled case” ang warrant of arrest laban sa kanya at sa 20 pang kasamahan na nadawit sa Dengvaxia controversy.

Ito ang kasunod ng warrant of arrest na ipinalabas na pirmado ni Edith Cynthia Wee-Cabbat, presiding judge ng Municipal Circuit Trial Court ng San Luis, Baler, Aurora na may petsang March 2, 2020.

Sa nasabing desisyon, sina Garin at 20 iba pa ay dawit sa Reckless Imprudence Resulting to Homicide kung saan P30,000 ang bail bond ng bawat isa.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Garin, sinabi nito na ang nasabing warrant of arrest ay sakop ng ikalawang batch ng kaso na isinampa ng Public Attorney’s Office na pinamumunu-an ni Atty. Persida Acosta.

Ayon kay Garin, apat na batch ng mga kaso ang isinampa laban sa kanya ngunit pawang binasura ang mga kaso sa unang batch.

Inihayag ni Garin na ang nasabing desisyon ang ipinalabas noong Marso at sa katunayan ay nakapagbayad na siya ng piyansa sa criminal case.

Kinuwestyon rin ng dating DoH secretary kung bakit ngayon lang lumabas ang warrant of arrest.