ILOILO – Umaasa si former Department of Health Secretary Dr. Janette Garin na ma-deliver ni newly-appointed Health Secretary Dr. Teodoro Herbosa ang mga serbisyo sa ahensya na may sense of urgency.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Garin na ngayo’y isa nang mambabatas sa Iloilo, sinabi nitong sa halos isang taon na walang kalihim ang Department of Health, maraming mga serbisyo ang na-delay.
Aniya, umaasa siyang tututukan ni Herbosa ang problema na tinatawag na infodemics o ang paglaganap ng fake news na nagreresulta sa pagkalito ng publiko hinggil sa kinakailangan na medical information.
Hiling rin ni Garin na hindi isusulong ni Herbosa ang privatization sa healthcare.
Binalikan ng mambabatas na noong undersecretary pa lamang ng Department of Health si Herbosa, marami na umano itong isinulong para sa Public-Private Partnership.
Nanindigan si Garin na kung i-privatize ang health care service, maging mas mabigat umano ang pasanin ng mahihirap na mga Pilipino.