ILOILO CITY – Wala umanong nakikitang problema ang dating kalihim ng Department of Health (DOH) sa pagtalaga ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. kay retired Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan bilang health undersecretary.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo First District Representative Janet Garin, sinabi nito na base sa kanyang karanasan, may mga trabaho sa departamento katulad ng logistics na hindi kinakailangan maging doktor upang magawa ito.
Ayon kay Garin na isa ring physician, may mga doktor din na inalok para sa posisyon ngunit hindi tinanggap dahil masasakripisyo ang kanilang propesyon.
Dagdag ng mambabatas, karamihan sa mga doktor ay takot rin na maaaring sampahan sila ng kaso sapagkat hindi sana’y sa mga kontrobersiya at natatanggap na pananakot sa buhay.
Payo naman ni Garin kay Cascolan upang maging epektibong undersecretary ng Department of Health, kailangan niyang makipagtulungan sa Philippine Medical Association sa implementasyon ng mga programa ng ahensya.