-- Advertisements --
PCP

Nagsama-sama ang daan daang mga doktor maging ang ilang dating mga Health secretaries upang manawagan kay Pangulong Rodrigo Durterte na sana ay ‘wag harangin ang ginagawang imbestigasyon ng mga senador sa umano’y anomalya sa paggamit ng COVID-19 response.

Naglabas ng statement ang Philippine College of Physicians (PCP), na pinirmahan ng maging dating mga presidente katulad nina dating Health secretaries Carmencita Reodica, Manuel Dayrit, Enrique Ona Jr, Esperanza Cabral at Paulyn Ubial na umaapela kay Pangulong Duterte na ‘wag daw sanang pigilan ang ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa alegasyon na overpricing sa pagbili ng DBM at DOH ng personal protective equipments (PPEs) at iba pa.

Kung maaalala una nang naglabas noong nakaraang linggo ang pangulo ng memorandum na nagbabawal kina Health Secretary Francisco Duque III at iba pang mga Cabinet members na sumali sa Senate committee na pinangungunahan ng chairman na si Sen. Richard Gordon.

Ayon sa mga dating presidente ng PCP na sina Dr. Eugene Ramos at Dr. Vicente Tanseco Jr., kung tutuusin dapat manguna ang pangulo sa pagsasagawa ng imbestigasyon o kaya utusan ang kanyang mga opisyal na na dumalo sa mga pagdinig upang matukoy kung meron nga bang anomalya.

Anila, ang kanilang pagsasalita ay dahil hindi na raw makaya ng kanilang konsensiya na manahimik na lamang.

dr maricar limpin
Dr. Maricar Limpin, PCP president

Kasabay nito, nanawagan din naman ang mga doktor sa tinawag nilang “A collective expression of indignation and a call to action” na sana kumilos din ang Department of Justice na magsagawa rin ng impartial investigation at kung maari ay maghain ng kaso ang Ombudsman kung sinuman ang nasa likod ng mga maanomalyang mga transaksiyon.

Para naman sa Senado, sana raw ay kumpletuhin na nila ang imbestigasyon at matukoy ang mga may kasalanan para makasuhan na rin.

“We call on the Senare to complete the inquiry swiftly and with utmost diligence, to get to the truth behind the alleged corruption, then file a case before the Department of Justice or Ombudsman at the soonest possible time,” pahayag pa ni Dr. Morales, past president ng PCP.

Sinabi ni Dr. Ma. Encarnita Limpin, kasalukuyang presidente ng PCP, ang hiling lang naman nila ay lumabas ang katotohanan.

“We all deserve to know the truth,” ani Limpin. “Aayawan ho namin ang anumang tangka na pigilan ang testimonya o cover-up ng totoong nangyayari kaya kami ay naririto ngayon para manawagan for transparency, exigency and accountability.”

SENATE HEARING

Samantala, ipinagpaliban muna ang nakatakdang pagdinig ngayong Martes ng Senate Blue ribbon committee sa kinikwestyong proseso ng pagbili ng bilyong halaga ng medical supply ng PS-DBM sa Pharmally.

Ang hakbang ng komite ay upang mabigyan ng tiyansa ang mga tauhan ng panel na magkaroon ng break, matapos ang sunod-sunod na hearing.

Pinagbigyan ang mungkahi ng mga tauhan matapos ang napagkasunduang paglalabas na ng initial committee report mula sa nakalipas na 11 hearings.

Tumanggi naman si Sen. Gordon na ilahad ang nilalaman ng kanilang rekomendasyon, lalo’t wala pa itong lagda ng mga miyembro ng panel.

Pero una nang sinabi ni Gordon na may mga dati at kasalukuyang opisyal ng PS-DBM ang posibleng kasuhan dahil sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno at pagpasok sa kontrobersyal na deal sa Pharmally.