Muling hinamon ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang kolumnistang si Ramon Tulfo na sampahan ito ng kaso sa korte.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kontrobersyal na “pastillas” scheme sa Bureau of Immigration kung saan idinidiin ni Tulfo si Aguirre na umano’y protektor ng sindikato sa ahensya.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado tungkol sa isyu, sinabi ng dating kalihim na kung mapatutunayan daw ni Tulfo ang mga alegasyon nito laban sa kanya ay handa raw niyang samahan ang kolumnista sa paghahain nito ng kaso.
“Mr. Tulfo, because I know that you have nothing against me, handa kitang samahan kahit kaninong pulis tayo pumunta para mag-file ka ng case against me. I’m challenging you to do this, sasamahan pa kita,” hamon ni Aguirre.
“I’m sure na itong police agencies natin ay walang gagawin diyan sa complaint mo kundi ilalagay lang sa basurahan,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Aguirre na hindi raw personal na dumalo sa pagdinig si Tulfo dahil sa nagtatago raw sa arrest warrants na inisyu ng isang korte.
“Alam ninyo kung bakit wala dito si Tulfo na sa kabila ng his penchant for publicity ay hindi umattend ngayon personally before this committee? Kasi po natatakot ‘yan because he has standing warrants of arrest issued by regional trial court of Manila, Branch 24,” ani Aguirre.
Una rito, sinabi ni Tulfo na sinadya raw ni Aguirre na ilagay ang mag-amang sina Maynardo at Red Mariñas upang pangasiwaan ang visa upon arrival system sa bansa.
Pero sa hearing, inihayag ni BI Deputy Commissioner Tobias Javier na si Commissioner Jaime Morente ang nagtalaga sa nakatatandang Mariñas sa Special Operations Communications Unit.
Kinumpirma rin ni Aguirre na ang nakababatang Mariñas lang ang kanyang itinalaga bilang hepe ng BI Ports Operation Division noong siya pa ang nakaupong Justice Secretary.
“It’s very clear that I appointed Marc Red as POD. It is very clear also from the declaration of the deputy commissioner that it was the Bureau of Immigration commissioner who appointed the father Maynard Marinas. This belies the declaration of Tulfo,” giit ni Aguirre.
Tugon naman ni Tulfo, naglabas daw ng circular si Aguirre na umano’y pumigil sa BI Commissioner para mag-assign at mag-reassign ng mga personnel.
“Siya po ang nag-aassign ng mga personnel ng immigration sa airport. Ibig sabihn niyan, hindi puwedeng sila-sila lamang ang immigration officers sa airport na walang kinikilingan. Kailangan po may puno iyan, may grandfather. Ang grandfather po niyan ay si Mr. Aguirre,” sambit ni Tulfo.
Ayon pa kay Tulfo, may sabwatan daw si Aguiire at ibang mga abogado na ipahiya ito sa Senado.
“May plano na po sila, ‘yung mga taga-San Beda law, lawyers ng San Beda na kaniyang mga kasamahan, mga brods niya… na ipaaresto ako sa harap mismo ng Senado o kaya diyan mismo para posasan at dalhin kung saan mang istasyon para mapahiya ako,” anang media practitioner.
Naghamon naman si Aguirre kay Tulfo na maglabas ng kopya ng memorandum circular na inisyu raw ito kaugnay sa pagpigil sa reassignment ng mga BI personnel.
“Wala pong ganiyan. Nag-imbento na naman si Tulfo! Ilabas mo! At harapin mo ang warrant of arrest mo,” anang dating kalihim.
Sa nakalipas na mga pagdinig, inihayag ni Tulfo na inihahatid daw kay Aguirre ang mga kickbacks sa pastillas scheme sa Mulanay, Quezon sa pamamagitan ng helicopter.
Buwelta naman ng dating kalihim, ang alegasyon ni Tulfo ay pawang personal vendetta lamang.