GENERAL SANTOS CITY – Matapos ang dalawang buwang pananahimik, nagsalita na si Col. Raul Supiter, ang dating City director ng General Santos City Police Office (GSCPO) kaugnay sa kasong syndicated estafa na isinampa laban sa kanya ng Police Regional Office Region 12 (PRO-12) ukol sa kontrobersyal na P2 billion Police Paluwagan Movement (PPM) investment scam.
Ito’y matapos maghain ng counter affidavit sa kanyang kaso sa korte kahapon at kaagad itong humarap sa media kasama ang kanyang abogado na si Atty. Nena Santos.
Ayon kay Supiter, nabiktima lang din siya ng naturang investment scheme at iginiit na hindi PPM ang nambiktima ng mga pulis kundi Plan Pro Matrix (PPM) sa ilalim ng isang Shiela Agustin.
Inamin ni Supiter na nakapag-invest siya ng pera na lumalabas sa report na aabot umano ng mahigit P300,000.
Nakapag-pay out siya ngunit itinanggi na nakapagkulimbat ng malaking halaga ng pera mula sa pera ng mga pulis at civilian investors.
Inihayag naman nito na bago pa man ito masampahan ng kaso ng PRO-12, nakapaghain na rin sila ng kaso laban kay Agustin, ang itinuturo nitong mastermind ng PPM scam, maging sa founder ng Plan Pro Matrix na si Mark Naval at iba pang staff ni Agustin.
“Sa totoo lang nag-invest ako because of the ah yung mga ipinakita sa aking SEC Registration, Business Permit, na-naniwala ako pe-pero yun pala may mga operation na na small group, oh beacuse I could remember that December 4 na nag-usap kami dun nga sa quarters, nag-lunch pa nga kami eh, tapos sabi niya (Shiel Agustin ) “Sir, eh kuan mo subukan mo, subukan mo, talagang babalik yun mga pera mo.” So, i tried no, so after a month bumalik, ok. So ngayon, that was, nandyan ang aking resibo , nandyan po ang aking resibo na ang nakalagay doon na ang nakalagay doon is Plan Pro Matrix online company, pumirma siya at witness pa yung pinsan niya na si Ringgon,” ani Col. Supiter sa pagtatanong ng Bombo Radyo. “Doon ako nagtataka bakit biglang lumabas sa media itong Police Paluwagan Movement na kung i-acronym mo PPM pa rin Plan Pro Matrix then Police Paluwagan Movement, and then andito na tatlo kaming namumuno, tapos bigla kaming na-relieve.”
Una rito noong huling bahagi ng buwan ng Marso ay kinumpirma ni DILG spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na mismong si Interior Secretary Eduardo Año ang nag-utos para sa agarang pag-relieve sa puwesto kina Supiter, e Col. Manuel M. Lukban Jr., chief ng PRO-12 directorial staff at si Lt. Col. Henry P. Biñas.
Ayon kay Malaya, ang hakbang ng DILG ay upang maiwasan ang posibleng pakikialam at impluwensya ng nasabing mga opisyal habang isinasagawa ang formal investigation sa tinaguriang Police Paluwagan Movement investment scam.
Sinasabing nakarating sa pamunuan ng DILG at PNP ang initial report mula umano kay PRO-12 director Police Brig. Gen. Elisio Rasco, na ang PPM investment scam ay marami na ang naging bigtima sa rehiyon maging ang ilang mga huwes, prosecutors, negosyante at mga ordinaryong mga residente.
Nang-eengganyo raw kasi ang PPM na nag-aalok ng 60 percent interest rate kada 15 araw mula sa pera na na-invest ng mga biktima.
“Ako’y nababahala sa balitang ito. Mga pulis, kabilang ang ilang matataas na ranggong pulis, ang umano’y nagpapatakbo ng investment scam. Inaatasan ko si PNP Chief Albayalde at ang CIDG na agad itong imbestigahan at aksyunan nang wala nang mabiktima pa at para managot ang maysala sa batas,†ani statement noon ni Sec. Año.