Isiniwalat ni dating Gilas Pilipinas head coach Rajko Toroman na siya na ngayon ang hahawak sa Indonesia team sa darating na 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Toroman, sabik na raw ito sa panibagong pagkakataon na ibinigay sa kanya at magsisilbi itong head tactician ng Indonesia sa loob ng dalawang taon.
Batid naman ni Toroman na marami pang kailangang ayusin sa Indonesia squad, kaya nais niya raw hasain pa nang husto ang koponan para sa 2023 FIBA World Cup kung saan isa ito sa mga co-hosts, kasama na ang Pilipinas at Japan.
“I’ve signed with Indonesia to be their head coach for the next two years and if I can somehow help them make it in 2023, then I might be the only coach who has helped with four different countries who made it into the World Cup,” wika ni Toroman.
Kasalukuyang nasa Pilipinas ang Serbian coach upang alalayan ang Mighty Sports team na nakatakdang sumabak sa taunang Jones Cup sa Taipei sa susunod na buwan.