-- Advertisements --

Naghain ng complaint ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves sa Department of Justice na isama sa patung-patong na kaso ng pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at 9 na iba pa sa madugong Pamplona massacre noong 2023.

Matatandaang nangyari ang krimen sa mismong bahay ng yumaong gobernador habang isinasagawa ang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nauna ng lumutang na ang kapatid ni Henry Teves na si expelled Congressman Arnolfo Teves Jr. na kasalukuyang nakakulong sa Timor Leste ang umano’y utak sa naturang krimen.

Ayon kay CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, isinumite nila ang naturang complaint laban kay Henry Teves at 9 na iba pa para sa case build up.

Aniya, may bagong mga ebidensiya na nadiskubre kayat idinagdag nila ito para sa pag-uusig para pag-aralan kung paano ito maisasama at maipreresenta sa korte. Isiniwalat ni Gen. Torre na may narekober ang mga awtoridad na mga pampasabog at mga baril.

Kaugnay nito, sisiyasatin aniya ng mabuti ang reklamong inihain laban kay Henry Teves para matukoy kung may sapat na ebidensiya para suportahan ang mga kaso at kung magpapatuloy sa preliminary investigation.

Sakali man na makumpirma sa pagsisiyasat na nasunod ang lahat ng mahahalagang elemento ng krimen, sesertipikahan ito ng prosecutor na may sapat na basehan para magpatuloy sa imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, muling tumatakbo si Henry Teves bilang Gobernador ng Negros Oriental sa 2025 midterm elections sa ilalim ng Liberal Party. Nilinaw naman ni Gen. Torre na walang halong pulitika sa kanilang naging hakbang.

Ginawa naman ang naturang rekomendasyon ng CIDG sa ilalim ng Department Circular No. 20 ng DOJ kung saan ang “reasonable certainty of conviction” at hindi lamang “probable cause” ang dapat na tukuyin muna bago maghain ng complaint sa korte.

Samantala, wala pa namang inilalabas sa ngayon na pahayag si Henry Teves kaugnay sa reklamong inihain laban sa kaniya ng CIDG.