VIGAN CITY- Handa na umano sa bagong trabaho si dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit†Singson bilang alkalde ng bayan ng Narvacan dahil malaki ang tiwala nito na hindi na makakaabot pa sa nakuha niyang boto ang kaniyang katunggali sa nasabing posisyon na si dating National Tobacco Administration (NTA) administrator Edgardo Zaragosa.
Kaugnay nito ay tanging official proclamation na lamang ang hinihintay para pormal nang matawag na bagong alkalde ng Narvacan si Singson, kasama ang kaniyang running-mate na si Vice Mayor Atty. Pablito Sanidad Sr.
Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula sa opisina ng Commission on Elections (Comelec) sa bayan ng Narvacan, mula sa higit 20 barangay ng Narvacan, aabot na sa 14, 619 ang nakuhang boto ni Singson samantalang si Zaragosa ay mayroong 7, 331 na boto.
Napag-alaman na aabot lamang sa 29, 096 ang bilang ng mga registered voters sa 34 na barangay ng Narvacan ngayong midterm elections.
Matagumpay na nawasak ng tandem nina Singson at Sanidad ang dinastiya ng pamilya Zaragosa na siyang may hawak sa bayan ng Narvacan sa loob ng tatlong dekada dahil natalo ni Sanidad si incumbent vice mayor – re-electionist Fayinna Zaragosa na anak ni Edgardo.
Maalalang ang tambalan din nina Singson at Sanidad ang siyang tumapos sa paghahari ng pamilya Crisologo sa lalawigan noong 1970s dahil natalo nila sa isinagawang eleksyon noong 1971 ang grupo ni Carmeling Crisologo na asawa ng tiyuhin ni Singson na si Floro Crisologo.
Samantala, lahat din ng sangguniang bayan member candidate na kasama sa line-up ni Singson na tinawag na Team Bileg ay nanalo rin base sa partial and official tally of votes.