ILOILO CITY – Pumalag si dating Department of Health (DOH) Secretary at ngayon Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa akusasyon ni presidential spokesperson Atty. Harry Roque na mas mahal pa ang mga personal protective equipment (PPE) na binili sa ilalim ng Aquino Administration kung ihambing sa binili ng Duterte administration.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Garin, sinabi nito na noong kumalat ang Ebola virus at Middle East respiratory syndrome- coronavirus (MERS-CoV), kaunti pa ang ang mga gumagawa ng PPE.
Napag-alaman na umani ng reaksyon ang pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management sa bawat PPE sa halagang P1,700 para sa mga healthworkers na mas mababa ayon kay Roque sa P3,800 na binili bago matapos ang termino ng Aquino Administration .
Ayon kay Garin, kung duda si Roque sa procurement ng Aquino Administration, maari nilang sampahan ng kaso ang supplier na ayon sa dating kalihim ay puro lehitimong negosyante.
Paliwanag ni Garin, hindi maaaring ikumpara ni Roque ang presyo ng PPE noon at sa kasalukuyang administrasyon dahil magakaiba ang sitwasyon ngayon na marami na ang nagbebenta ng PPE sa murang halaga.