Nagpositibo sa COVID-19 si dating health secretary at kasalukuyang Iloilo 1st Distrct Rep. Janette Garin sa kabila nang matinding pagsunod sa minimum health protocols.
Sa isang statement, sinabi ni Garin na pinayuhan siya ng kanyang doktor na mag-home quarantine makalipas na magpakita ng mild symptoms ng sakit.
Ayon kay Garin, mayroon siyang sipon, ubo, lagnat at chills, pero hindi naman apektado ang kanyang pang-amoy at panlasa.
Sa kasalukuyan ay mahigpit ang monitoring sa kanyang kalagayan sapagkat mabilis ang pagtibok ng kanyang puso.
Inabisuhan na rin niya ang mga taong mayroong exposure sa kanya na kusa nang mag-quarantine at bantayan ang sarili kung sila ay makaranas din ng sintomas.
Sinabi ng kongresista na siya ay fully vaccinated na kontra COVID-19.
Kaya naman mas nakakatulog daw siya ng maayos sa gabi dahil alam niyang hindi lulubha ang kanyang kondisyon kahit pa mayroon siyang pre-existing conditions tulad ng asthma, hypertension at Reynaud’s disease.