LAOAG CITY – Nasa lalawigan na ng Ilocos Norte ang dating alkalde sa bayan ng Dingras matapos mahuli sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi dahil sa kinahaharap nitong kasong murder.
Sa pagdating ni dating Dingras mayor Marynette Gamboa sa Laoag International Airport ay agad nitong itinaas ang mga kamay nitong nakaposas habang nasa gilid nito ang dalawang PNP personnel.
Iginiit ni Gamboa na hindi nito ikinakahiya na ipakita ang mga nakaposas nitong kamay dahil gusto nitong makamit ang hustisya sa pagkakahuli nito.
Nabatid na nakaposas ang dating opisyal habang nakasakay sa eroplano kasama ang anak na tumakbo rin sa pagka-alkalde sa nasabing bayan ngunit hindi pinalad na si Tiffany Gamboa at ang manugang nito sa pagbabalik sa probinsya.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Ilocos Norte Police Provincial Office si Gamboa bago maiprisinta sa korteng pinanggalingan ng warrant of arrest.
Nadakip si Gamboa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Philip Salvador ng Regional Trial Court (RTC) Branch 17 sa lungsod ng Batac.
Nag-ugat nag kaso laban kay Gamboa sa pagkamatay ni INEC Board President Lorenzo Rey Ruiz noong Setyembre 4, 2009 habang nasa Inec Substation sa Lang-ayan sa bayan ng Currimao.