-- Advertisements --
Chavit Singson
Chavit Singson

VIGAN CITY – Pinayuhan ng dating gobernador ng Ilocos Sur na isa sa mga may-ari ng provincial bus company sa lalawigan na nag-ooperate rin sa Metro Manila na kung maaari ay unahin muna ng Metro Manila Development Authority na solusyonan kung saan isasakay ang mga pasaherong maaapektuhan ng provincial bus ban.

Ito ay kung sakaling magdesisyon ang Kongreso na aprubahan ang nasabing panukala pagkatapos ng mga hearing na isinasagawa hinggil dito na nagsimula na nitong Martes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson, sinabi nito na kung matutuloy ang nasabing ban, sinabi nito na lalaki lamang umano ang gastos ng mga commuters lalo na sa mga pasahero na galing sa Northern Luzon na bababa pa sa Valenzuela bago makarating sa Pasay o Cubao.

Tahasan nitong sinabi na wala umano itong nakikitang magandang resulta ng nasabing ban dahil dadami lamang ang mga pribadong sasakyan sa EDSA at kailangan pang magdagdag ng iba pang sasakyan para sa mga pasaherong galing sa Northern at Southern Luzon.