-- Advertisements --

Pinagkalooban ng executive clemency ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog. Ito ang kinumpirma ni Exec. Sec. Lucas Bersamin.

Sinasabing ginawa ang hakbang na ito bilang bahagi ng mga inisyatibo ng administrasyong Marcos upang mabigyan ng pagkakataong muling makapagsimula ang mga indibidwal na nakaranas ng legal na hamon o kaso sa nakaraan.

Parte na rin ito ng pagpapatupad ng mandato ng Presidente sa ilalim ng batas.

Nabatid na ang desisyon ni Pangulong Marcos ay dumaan sa masusing pag-aaral at isinasaalang-alang ang rekomendasyon ng Board of Pardons and Parole.

Si Mabilog ay may kinakaharap na kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-graft and Corrupt Practices act at RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

Matatandaang August 30, 2017 nang umalis si Mabilog ng Pilipinas matapos akusahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang ito sa listahan ng mga public officials na di umano’y sangkot sa illegal drug trade at drug protector.

September 2024 naman ito bumalik ng bansa mula sa US kung saan ito nagpaisalalim sa asylum.

Dumalo na rin si Mabilog sa Quad Comm hearing noong September 2024 kung saan pinasinungalingan niya uli ang mga paratang sa kanya ng dating administrasyon.